Namamalimos sa kalye isumbong - DSWD
Dumarami sa Kapaskuhan...
MANILA, Philippines — Pinayuhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko partikular ang mga motorista na isumbong ang mga namamalimos sa kalye lalo na ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.
Sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na maaaring tawagan ang DSWD ABOT hotline 89319141 o ipagbigay alam sa Facebook page ng DSWD Pa-Abot upang mapuntahan ng mga tauhan ang mga namamalimos sa lansangan.
Anya may nakahandang interventions ang DSWD sa mga naglipanang namamalimos sa kalsada lalo na ngayong nalalapit ang Kapaskuhan at upang sila ay matulungan ng ahensiya.
“Nananawagan po kami na kung may makikita kayong namamalimos ay ipaalam lamang sa DSWD sa aming hotline para sila ay ating matulungan at malaman ang iba pang interventions para hindi na sila bumalik sa kalsada para mamalimos,” sabi ni Dumlao.
Sinabi ni Dumlao na patuloy ang DSWD sa pagkakaloob ng tulong hindi lamang sa mga nabibiktima ng kalamidad kundi pati na rin ang mga taong namamalimos sa mga lansangan.
- Latest