MANILA, Philippines — Tinanggal sa pwesto si Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesman Winston Casio matapos lumabas ang isang video ng kaniyang pananampal sa isang empleyado ng Central One sa Bataan na ni-raid noong nakaraang linggo.
Ito ang sinabi ni PAOCC executive director Usec. Gilberto Cruz matapos salakayin ang hinihinalang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hub sa Bataan na iniulat na sangkot sa human trafficking, scamming at iba pang ilegal na aktibidad.
Ang sinalakay sa Bataan, na tumatakbo mula noong Enero 2023, ay gumamit din umano ng mga kaduda-dudang gaming platform.
Sinabi rin kahapon ni Office of the Executive Secretary Lucas Bersamin na si Casio ay nasa ilalim ng administrative investigation at inatasang magpaliwanag sa pamamagitan ng pagsulat.
“I apologize to everyone in this ops. Nabahiran pa tuloy. I was not able to control myself sa ginawa sa bata at sa kaibigan ko na parang ate ang turing ko,” sinabi ni Casio.
Handa naman aniya si Casio na harapin ang kanyang naging aksyon.