MANILA, Philippines — Inaresto ng Pasig City Police ang isang dating actor sa pagpatay sa kanyang kaibigan dahil sa lumang alitan, naganap kamakalawa ng gabi sa Brgy. Sagad, Pasig City.
Kinilala ang suspek na dating artista na si John Wayne Sace, 37-anyos habang ang biktima na namatay noon din dahil sa apat na tama ng bala ng kalibre 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay isang 43-anyos na lalaki.
Ayon sa ulat, sinabi ni Eastern Police District Officer-in-Charge Col. Villamor Tuliao, na pinagbabaril ni Sace, 37-ang biktimang hindi pinangalanan, alas-7:30 ng gabi habang nag-uusap sila sa gate sa bahagi ng Feliciano St., Barangay Sagad ng lungsod.
Nang bumulagta ang biktima ay mabilis na tumakas si Sace na kung saan ay agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga otoridad at natunton ang pinagtataguan nitong hotel sa sentro ng lungsod at naaresto.
Nakakulong na ngayon sa Pasig City Police Headquarters si Sace na dati nang umaming naging sugapa o nalulong sa bawal na gamot.
Ayon sa mga otoridad na patuloy ang kanilang imbestigasyon sa motibo ng pagpatay, subalit inamin ng suspek na sila ng biktima ay mayroon ng dating alitan.
Si Sace ay dating miyembro ng all-male dance group na Anime sa ASAP noong 2003 at gumanap sa iba’t ibang role sa pelikula at telebisyon tulad ng “Wansapanataym,” “May Bukas Pa,” “Guns and Roses,” at “Forevermore.”
Inihahanda na ng pulisya ang kasong kriminal laban sa dating actor.