MANILA, Philippines — Halos nagutay ang katawan ng isang mangingisda makaraang masabugan ng “bigas-bigas” o dinamita na kanyang ginagamit sa iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng Sitio Pandam, Barangay Calutcot, Burdeos, Quezon, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Mario Establiceda, 40, residente ng Sitio Bagong Silang ng nasabing barangay.
Sa salaysay sa pulisya ng isang Richard Legazpi, alas-10:00 ng umaga habang sakay siya ng maliit na bangka at mangingisda sa layong 200 metro ay nakarinig siya ng malakas na pagsabog.
Tinungo ni Legazpi ang kinaroroonan ng biktima, subalit hindi niya ito natagpuan at tanging ang bangka lamang na wasak ang magkabilang katig ang naroroon sa lugar.
Bumalik sa pampang si Legazpi at humingi ng tulong sa mga otoridad upang hanapin ang biktima at alas-2:00 na ng hapon ay natagpuan ang walang buhay na biktima sa may limang metrong lalim ng dagat at may malaki itong sugat sa dibdib, mukha, at parehong hita. Putol din ang kanang kamay at kaliwang hinlalaki ng biktima.
Sa record ng pulisya, naaresto noong 2013 ang biktima dahil sa paggamit ng “bigas-bigas” sa kanyang pangingisda.