Kuya pinalakol sa ulo ng senglot na utol, dedbol

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang 36-anyos na lalaki nang palakulin sa ulo ng nakababatang kapatid, naganap kama­kalawa sa Brgy. Villapaz, Naguilian, Isabela.

Kinilala ni PMaj. Ferdinand Datul, hepe ng ­Naguilian Police Station ang biktima na si Jimmy Lobendino, may-asawa, karpintero, at residente sa lugar habang ang suspek ay ang mismong kapatid nito na si alyas Mario.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, bago ang insidente ay nag-iinuman ang magkapatid kasama ang kanilang bayaw, nang makaubos na ng tatlong bote ng alak ay dito na nagkaroon ng  pagtatalo ang magkapatid.

Sinubukan naman silang awatin ng kanilang bayaw, subalit nagawa ng suspek na makakuha ng palakol at saka hinataw ang ulo ng biktima na sanhi ng agaran niyang pagkasawi.

Napag-alaman din sa pagsisiyasat na nakatira lamang sa iisang bahay ang magkapatid at hindi ito ang unang pagkakataon na nagtalo sila habang nasa impluwensya ng nakalalasing dahil madalas umanong magwala ang biktima tuwing nakakainom.

Sumuko ang suspek na nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Show comments