2 tepok sa banggaan ng van at truck

MANILA, Philippines — Dalawang pasahero ng van ang nasawi  matapos sumalpok ang kanilang sinasakyan sa kasalubong na wing van truck sa kahabaan ng Maharlika National Highway sa Zone-3, Brgy. Agos, Polangui, Albay, kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mary Jadehi at Nilo, minor, pawang pasahero ng van at residente ng Sorsogon. Habang sugatan naman ang driver ng van at trak.

Sa ulat, alas-11:30 ng umaga ay binabagtas ang highway ng L-300 Van (NIL-7985) na minamaneho ng isang “Jepoy”, 42, residente ng Casiguran, Sorsogon sakay ang apat na pasahero.

Gayunman, pagdating sa lugar ay nag-overtake ito sa sinusundang sasakyan kaya naokupa nito ang linya ng kasalubong na Isuzu Forward Wing Van (NGS-5450) na minamaneho ni Wally, 28, ng Brgy. Managa-naga, Bulan, Sorsogon at nagsalpukan.

Show comments