MANILA, Philippines — Inabsuwelto ng Quezon City Regional Trial Court Branch 229 si dating Health secretary at incumbent Iloilo Rep. Janette Garin at kanyang mga kapwa akusado sa mga kasong kriminal kaugnay ng Dengvaxia vaccine dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
“All in all, the prosecution evidence failed to establish a prima facie case against Demurrant Janette L. Garin and Demurrant Julius Lecciones. The evidence does not amount to proof beyond a reasonable doubt of any or all of the criminal charges against either or both of them,” sabi sa 46-pahinang desisyon na nilagdaan ni Presiding Judge Cleto Villacorta III.
Tinukoy din ng Korte na ang mga testigo na iniharap ng prosekusyon ay hindi totoong mga eksperto na kayang magbigay ng akmang opinyon kaugnay ng Dengvaxia.
Sinabi rin ng korte na walang sapat na patunay upang masabi na ang Dengvaxia ang sanhi ng pagkamatay ng walong bata na nabakunahan nito dahil mayroon na umanong ibang sakit ang mga ito bago pa man bakunahan.
Ikinatuwa naman ni Rep. Garin ang pagkakabasura sa kaso dahil patunay lamang ito na wala siyang kasalanan sa Dengvaxia case at wala siyang nilalabag na batas hinggil dito.