MANILA, Philippines — “Imbestigahan ang biniling 756 breath analyzer units na nagkakahalaga ng P33 milyon”.
Ito ang naging kautusan ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na ang 150 units ang binili noong 2015 na nagkakahalaga ng P68,000 kada piraso at 600 units ang binili noong 2017 na nagkakahalaga ng P38,000 ang kada piraso.
Aniya, sira na ang 756 units at 288 na lang sa mga ito ang maaari pang ayusin.
Sinabi ni Mendoza na prayoridad sa imbestigasyon na matukoy ang mga unit na maari pang maayos para agad magamit ng mga enforcer laban sa mga lalabag sa batas na Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Pinag-aaralan na ng LTO kung mas makakatipid ba na bumili ng bago kaysa ipagawa ang mga nasirang breath analyzer.
Sinabi ni Mendoza na titiyakin nilang maayos, mura at magiging transparent ang procurement process kung sakaling bibili ng bago.