MANILA, Philippines — Walo sa 10 Pinoy ang pabor sa pagbabawal sa paggamit ng cellphone sa mga paaralan.
Ito ay batay sa Pulse Asia survey na isinagawa noong Hunyo 17-24, 2024 at kinomisyon ni Senador Win Gatchalian.
Nabatid na 76% ng mga 1,200 adult respondents sa buong bansa ang sumasang-ayon sa pagkakaroon ng cellphone ban sa mga paaralan.
Labintatlong porsyento ang hindi sumasang-ayong, samantalang 11% naman ang nagsasabing hindi nila matukoy kung sumasang-ayon sila o hindi.
Suportado ang panukala ng mayorya ng mga Pilipino anumang socioeconomic class ang pinagmulan nila. Pinakamalakas ang suporta sa Class ABC (80%), kasunod ng Class D (76%), at Class E (71%).
Lumalabas na halos 8 sa 10 kalahok sa National Capital Region (80%), Balance Luzon (79%), at Mindanao (81%) ang sumasang-ayon sa naturang panukala. Samantala, 6 sa 10 (61%) na kalahok naman mula sa Visayas ang sumasang-ayon dito.
Batay sa pagsusuring ginawa ng Senate Committee on Basic Education sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), 8 sa 10 mag-aaral na may edad 15 ang iniulat na naabala sila sa klase dahil sa paggamit nila ng smartphones, at 8 rin sa 10 ang nag-ulat na naabala sila sa paggamit ng ibang mga mag-aaral ng kanilang mga smartphone.