Carlos Yulo tatanggap ng P3 milyong insentibo sa Kamara
MANILA, Philippines — Tatanggap ng P3-M insentibo si Pinoy gymnasts Carlos Edriel Yulo sa kaniyang natatanging ipinamalas matapos na manguna sa men’s final floor exercise kaya nakapag-uwi ng gintong medalya mula sa Paris Olympics 2024.
Ito ang nabatid kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez na pinapurihan si Yulo na sinabi nitong isang ‘sports hero’ at ‘national treasure ‘ ng bansa.
Ayon kay Romualdez,ang makasaysayang tagumpay ni Yulo, na naghatid ng unang gintong Olympic medal sa Pilipinas sa larangan ng gymnastics at ikalawang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics ay isa umanong simbolo ng hindi natitinag na diwa at ang katatagan ng mga Pilipino.
Bago tumulak ang mga atleta sa Paris Olympics, nagpaabot ng tulong pinansyal si Speaker Romualdez sa 22 atleta na kakatawan sa Pilipinas sa naturang kumpetisyon.
Pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang isang fundraising campaign sa Kamara para madagdagan ang cash incentives para kay Yulo na gagawaran din ng congressional medal.
Bukod sa P3 milyong ibibigay sa makaka-gintong medalya, ang Kamara ay magbibigay ng P2 milyon sa mananalo ng silver at P1 milyon sa mananalo ng bronze.
Ang Filipina boxer na si Aira Villegas, na nag-ugat sa Tacloban City, ay nakatitiyak na makapag-uuwi na ng medalya matapos talunin si Wassila Lkhadiri ng France sa women’s 50kg quarterfinals.
- Latest