MANILA, Philippines — Patung-patong na reklamo ang isinampa sa Prosecutor’s Office sa pitong lalawigan ng isang opisyal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) matapos ang pagpapa-interbyu ng diumano’y mga maling akusasyon na nakasira sa kanilang pangalan kaugnay sa ginawang rescue operation ng 72 kababaihan kabilang ang tatlong menor-de-edad, sa isang club sa Pasay City noong Hunyo 1, 2024.
Ang mga reklamong paglabag sa Article 358 (Cyber Grave Oral Defamation), Art. 363 (Cyber Incriminating Innocent Person), Art. 364 (Cyber Intriguing Against Honor) Article (Cyber Unjust Vexation) ng Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) ) ay inihain laban kay Atty. Jan Louie Cabral ni PAOCC Police Major Andres Daquial IV sa Prosecutor’s Office ng Tuguegarao; Tabuk, Kalinga; Ballesteros, Cagayan, Cabanatuan, Nueva Ecija; Baler, Aurora; at sa dalawa pa sa magkahiwalay na prosecutor’s office sa lalawigan ng Samar.
Nauna rito, Mayo 2024 nang may nagsuplong sa PAOCC hinggil sa human trafficking at child prostitution sa “King and Queens Bar and Restaurant”.
Nitong Hunyo 1, 2024, isang undercover ang nakatuklas na totoo ang sumbong nang magpanggap na kliyente at makakuha ng babaeng menor-de-edad na ibinugaw umano sa nasabing club kaya isinagawa ang rescue operation sa iba pang kasamahan. Nasa 72 babae ang nasagip ng PAOCC operatives sa raid kabilang ang 3 menor de edad, na naiturn-over sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng PNP-Camp Crame, sa Quezon City.
Sa kabila nito, sinabi umano ni Atty. Cabral na iligal ang ginawang raid dahil sa kawalan ng search warrant. Inakusahan din niya ang mga PAOCC operatives ng “robbery” at paninira ng mga gamit sa establisimyento.