Traffic enforcer sinaktan, tinutukan ng 2 pulis-Maynila na sinita dahil walang helmet
MANILA, Philippines — Inireklamo ng pananakit at panunutok ng baril ng traffic enforcer ng Valenzuela City government ang dalawang pulis-Maynila nang sisitahin niya dahil sa kawalan ng suot na helmet nitong Linggo ng madaling araw Brgy. Mabolo, Valenzuela City.
Sa pagharap sa press conference kahapon kasama si Mayor Wes Gatchalian, mangiyak-ngiyak na ikinuwento ni Ronaldo David, 42, traffic enforcer ng Traffic Management Office- Valenzuela ang kanyang sinapit sa kamay nina SSg Ernesto Camacho; at SSg Masong Cabudoy kapwa nakatalaga sa Del Pan Police Station 12.
Ayon kay David, alas-4:30 ng madaling araw ng Hulyo 14, Linggo habang papasok siya sa trabaho nang mapansin at mapatingin sa dalawang sakay ng motorsiklo na walang helmet at naka tsinelas.
Agad naman siyang nilapitan ng mga pulis na noo’y kapwa lango sa alak at sinabihan ng “ano tinitingin tingin mo?”
Upang makaiwas sa gulo minabuti ni David na umalis, subalit ginitgit at sinundan pa rin siya ng mga ito hanggang sa tuluyang magkomprotahan sa M.H. del Pilar, Brgy. Mabolo na hindi nito inakala na mga pulis pala.
Tinutukan ng baril sa sikmura, pinagbantaan at itinumba pa ang motorsiklo ni David na nakuhanan din sa CCTV ng barangay.
Habang nakatutok ang baril, sinabihan pa siya ni Cabudoy ng “GUSTO MO PATAYIN NA KITA DITO?”.
Bahagyang humupa ang gulo nang mamagitan si PCpl. Dale Vargas Dela Peña na kasama ng mga pulis na sina Camacho at Cabudoy sa umano’y ‘staycation’.
Kinasuhan na sa piskalya sina Camacho at Cabudoy na agad na sinibak sa Del Pan Police Station.
- Latest