5 drum ng pampasabog ng NPA, narekober ng AFP at PNP

MANILA, Philippines — Limang drum ng pampasabog at 21 detonating cord na pinaniniwalaang gagamitin sa terrorist attack ng New People’s Army (NPA) ang narekober ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Ang naturang pampasabog ay nadiskubre ng mga tropa ng 16th Infantry “Maglilingkod” Battalion, 85th Infantry “Sandiwa” Battalion, at mga pulis sa Labo, Camarines Norte nitong Sabado, July 13.

Natagpuan ito sa pamamagitan ng impormasyon na ibinigay ng isang sibilyan sa mga otoridad.

Ayon kay 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division Commander Maj. Gen. Roberto Capulong, dahil sa pagkakasabat ng mga pampasabog na sangkap sa paggawa ng Improvised Explosive Device (IED), ay nahadlangan ang plano ng mga teroristang komunista na maghasik ng kaguluhan sa mga komunidad.

Muli namang nanawagan si Maj. Gen. Capulong sa mga nalalabi pang kasapi ng NPA na sumuko nalang para makatanggap ng mga benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program.

Show comments