Driver at pahinante natuhog ng kargang bakal
Sa biglang pagpreno…
MANILA, Philippines — Kapwa namatay noon din ang isang truck driver at kanyang pahinante nang aksidenteng matuhog ng idedeliber nilang bakal nang biglang magpreno dahil sa may tumawid na lalaki sa Brgy. Bunawan, Davao City.
Kinilala ang mga nasawi na sina Nestor Dela Cruz Doronio, 56, driver, ng New Ilocos Magsaysay Davao del Sur at helper na si KR Salem Reasonable, 24, mula sa Marber, Bansalan, Davao del Sur.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, nangyari ang insidente nitong Hunyo 25 sa Cargo Entrance, Davao International Airport, Garcia Highway, Brgy. Bunawan Davao City.
Nabatid na karga ng prime mover truck ang nasa 50 piraso ng 12-millimeter steel sheets, nang biglang tumawid sa intersection sa pedestrian lane ang isang 32-anyos na Airport Security Assistant.
Sinabi ni Davao City Police Office spokesperson Pcapt. Hazel Tuazon na nakalas umano ang tali ng mga bakal dahilan para dumiretso sa kinaroroonan ng mga biktima.
Nasa kustodiya na ng kapulisan ang nasabing indibidwal na tumawid na kung saan ay desidido ang pamilya ng mga biktima na magsampa ng kasong reckless imprudence resulting to homicide sa pedestrian.
- Latest