MANILA, Philippines — Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na hindi muna makaboboto sa congressional race ang mga residente ng 10 Enlisted Men’s Barrios (EMBO) barangays, na dating nasa hurisdiksiyon ng Makati City na ngayon ay sakop na ng Taguig City.
Ito ay ang Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside, at Southside.
Pero, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, maaari namang bumoto ang mga EMBO barangay voters sa 2025 National and Local Elections (NLE) na para lamang sa pagka-alkalde, bise alkalde at city council at hindi kasama ang pagka-kongresista.
Anya,wala pa umanong status at wala pa ring batas na nagsasaad na isang bagong distrito ang binuo sa Taguig City para sa EMBO barangays.
Hindi rin naman aniya maaaring isama ng Comelec ang mga naturang botante sa ibang distrito.
Tiniyak rin naman ni Garcia na ang tatlo pang natitirang barangay sa ikalawang distrito ng Makati City, na kinabibilangan ng Guadalupe Viejo, Guadalupe Nuevo, at Pinagkaisahan, kung saan dating kabilang ang mga EMBO barangays, ay hindi naman nila bubuwagin at sa halip ay mananatili pa ring isang distrito.