P10K pabuya alok ng MMDA laban sa nagpanggap na enforcer

MANILA, Philippines — Magbibigay ng pabuya na P10,000 ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa sinumang makapagbibigay ng tip sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng isang lalaki na nagtangkang ma­ngikil ng pera sa isang motorista sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang isang traffic enforcer.

Sinabi ng ahensya na ang lalaki, na nakuhanan sa isang viral video ay hindi konektado o empleyado sa MMDA.

Sa panawagan ni MMDA Chairman Don Artes, sinumang makapagbibigay ng tamang impormasyon sa pangalan at tirahan ng lalaking nasa larawang ipinost ng netizen sa social media ay maaaring magpadala ng personal na mensahe o direct message sa MMDA Facebook page.

Sa viral video, hiniling ng motorista at ng kanyang kasama sa pekeng enforcer na ipakita ang kanyang ID. Pero biglang umalis ang bogus na traffic enforcer.

Dagdag pa ng MMDA, magsasampa sila ng reklamo laban sa pekeng enforcer.

Show comments