MANILA, Philippines — Mariing itinanggi kahapon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang akusasyon ng Kabataan at ACT Teachers party-lists na nangre-red tag ang task force ng mga raliyista bilang mga terorista, sa isang seminar na ginawa sa Taytay Senior High School sa Rizal.
Ayon sa NTF-ELCAC, wala silang nire-red-tag sa pamamahagi ng leaflets, brochure at sa halip ay nagbibigay lamang ito ng impormasyon sa mga estudyante ng mga ‘modus operandi’ ng mga recruiter ng New People’s Army (NPA) na siya namang base sa makatotohanang mga ebidensiyang nakalap ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Dagdag pa nito, ang Army’s 80th Infantry Battalion ay nagsagawa at nagbigay ng seminar sa mga mag-aaral bilang bahagi ng kanilang ‘civic education program’ na naglalayong maitaas ang kaalaman ng lahat hinggil sa “national security threats” at mai-promote ang pagiging makabayan ng mga kabataan.
Sa katunayan, ang kanilang ginagawa ay may koordinasyon sa Department of Education (DepEd-Rizal) at ng Hands Off Our Children Movement, Inc., na ang hangarin ay maituro sa mga estudyante ang panganib na dala ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), na binansagan nang mga terorista sa bansa at ng iba pang mga bansa.
Layunin nito na mabigyan sila ng kaalaman sa mga palatandaan at galawan kung papaano mang-recruit ang mga CPP-NPA organizers.