2 pang biktima ng ‘palit ulo’ scam ng ospital, lumutang
MANILA, Philippines — Lumutang sa tanggapan ng alkalde sa Valenzuela ang dalawa pang biktima ng “palit-ulo” scam ng isang pribadong ospital sa lungsod.
Iprinisinta ni Mayor Wes Gatchalian sina Nerizza Zafra at Cheryluvic Ignacio, na kapwa dumanas din umano ng panggigipit ng ACE (Allied Care Experts) Medical Center sa Valenzuela.
Sa kuwento ni Zafra, taong 2017 nang manganak siya sa nasabing ospital at umabot sa halos P500,000 ang kanyang hospital bill.
Aniya, nakapagbayad sila ng P200,000 at nakiusap na i-promisory ang balanse pero hindi inaprubahan ng ospital. Napilitan lamang silang i-discharge ng ACE Medical Center nang humingi na sila ng tulong mula sa Public Attorney’s Office (PAO). Gayunman, hindi ipinarehistro ng ospital ang birth certificate ng kanyang anak dahil sa kanilang outstanding balance.
Na-confine naman dahil sa Covid-19 noong 2021 si Ignacio kung saan umabot sa P275,374.47 ang kanyang hospital bill sa loob lamang ng 11 araw. Hindi lahat nabayaran ng kanyang health card ang hospital bill, kaya naiwan ang balanse na P150,372.
Tulad ni Zafra, hindi rin tinanggap ng ospital ang kanilang promissory note kaya napilitan siyang manatili sa quarantine facility hanggang sa nabayaran ng kanyang pamilya ang natitirang bill.
Kasama sina Gatchalian at Councilor Atty. Bimbo dela Cruz ng LAMP Sinag, naghain na rin ng reklamo sa korte sina Zafra at Ignacio laban sa ilang tauhan ng naturang ospital.
Kinumpirma rin ni Gatchalian na naglabas na ng warrant of arrest si Valenzuela Metropolitan Trial Court Branch 109 Judge Marita Iris Laqui Genilo laban naman kina Maria Cristina Eugenio, Raymond Masaganda, at Samuel Delos Santos, mga hospital staff ng ACE Medical Center sa kasong “slight illegal detention” na inihain ni Lovery Magtangob, na hinostage sa ospital matapos ‘di nila nabayaran ng buo ang bill ng namatay niyang mister sa naturang ospital.
- Latest