MANILA, Philippines — Apat katao ang nasawi matapos malason ng methane gas sa loob ng isang tunnel sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya, kamakalawa.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Dionisio Alisen, 62, ng Antutot, Kasibu; Jeremias Padilla, 64, ng Sawmill, Mabuslo, Bambang; Selvino Mendoza, 63, ng Banggot, Bambang; at Marlon Mateo Orden, 38, barangay kagawad ng Barangay Magsaysay Hill sa bayang nabanggit.
Sa ulat, agad na rumesponde si Orden nang malamang na-trap ang tatlong biktima sa loob ng isang tunnel, subalit maging siya ay hindi na nakalabas sa butas na mahigit sa 10 metro ang lalim.
Dito naman sumunod si Marlon Siopon, 32, na tinalian ang sarili ng lubid bago bumaba sa butas, subalit nang makarating ito sa loob ay nakalanghap siya ng kakaibang amoy na sinundan ng biglaang pagkahilo.
Ayon kay Siopon, agad niyang hinila ang lubid bilang hudyat na kailangan siyang hilain pataas subalit bago pa man siya mahila ay nawalan na ito ng ulirat.
Bumalik na lamang ang kanyang malay, ilang minuto ang nakalipas matapos itong mailabas sa hukay.
Dahil sa kawalan ng sapat na kagamitan ay humingi ng tulong ang mga kinauukulan sa rescue personnel ng Didipio Mine ng OceanaGold na nakabase sa Kasibu Nueva Vizcaya na agad rumesponde.
Alas-3:00 ng hapon nang umpisahang pasukin ang hukay kung saan nailabas na wala nang buhay ang unang biktima na sinundan ng ikalawang biktima na nailabas, alas-6:04 ng gabi.