2 senior patay sa heat stroke

Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), natagpuan ang mga biktima, alas-9:15 ng umaga kahapon sa magkahiwalay na lugar ng naturang bahay.
STAR / File

MANILA, Philippines — Dalawang senior citizen na pinaniniwalaang namatay sa heat stroke ang natagpuang patay kahapon ng madaling araw sa kanilang bahay sa Brgy. Kristong Hari, Que­zon City.

Kinilala ang mga biktima na sina Asuncion Castro Sancho, 82, housemaid at Vivencio Araneta Villamora, Jr., 64 kapwa residente ng Cluster H, Unit C2, Woodside Homes Condominium, No. 100 Doña Hemady St., Brgy. Kristo ng nabanggit na lungsod.

Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), natagpuan ang mga biktima, alas-9:15 ng umaga kahapon sa magkahiwalay na lugar ng naturang bahay.

Nakatanggap ng tawag ang security guard na sina Rodolfo Supero at Engr. Jerwin Camason, pati na ang mga kagawad na sina Engga Biares at Manny Prado na may patay sa nasabing condo.

Agad naman nilang pinuntahan ang nasabing unit at doon ay bumungad sa kanila ang bangkay ng housemaid na nakahiga sa kama habang nakahandusay naman sa banyo si Villamora.

Wala namang nakitang anumang physical injury sa isinagawang cursory exa­mination sa mga bangkay ang SOCO Team mula sa QCPD Forensic Unit.

Lumilitaw naman sa pahayag ng tatlo pang kasambahay na matagal nang bed ridden ang 82-anyos na kasamahan nilang housemaid habang wala naman umano silang nalalaman na may sakit ang kanilang amo.

Matinding init at heat stroke ang isa sa mga tinitignang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima bagama’t isinailalim pa rin sa awtopsiya ang bangkay.

Show comments