MANILA, Philippines — Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang passport ng puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Ginawa ng mambabatas ang panawagan kasunod nang patuloy na pag-isnab ng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa pagdinig sa Senado at sa mga korte.
Nauna nang sinabi ni DFA spokesperson Teresita Daza na kapag kanselado ang passport, malalagay ito sa red flag para sa anumang aplikasyon sa lahat ng DFA consular office sa loob at labas ng Pilipinas.
Ire-report din ito sa Bureau of Immigration at sa Interpol office ng Pilipinas. Iimpormahan naman ng Interpol PH ang Interpol HQ at isasama ang kanseladong passport sa alert system of international border controls.
“The world is closing in on him. He is accused of crimes that transcend continents and nationalities. Tiwala ako na maraming bansa ang handang makipagtulungan sa Pilipinas para papanagutin siya,” sabi ni Hontiveros.
“Kung ang puganteng Kongresista ay nahuli, sana naman maaresto din ang puganteng religious leader. Maliit ang mundo.Hindi niya matatakasan ang batas habambuhay,” pagtatapos niya.