8K pulis idedeploy sa Labor Day
MANILA, Philippines — Tinatayang 8,000 pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa seguridad at kaayusan at kapayapaan sa pagdiriwang ng Labor Day sa Miyerkules, Mayo 1.
Sinabi ni NCRPO Chief, P/Major General Jose Melencio C. Nartatez, Jr. kasado na ang nasabing bilang upang italaga sa mga lugar na inaasahang magkakaroon ng mga pagtitipon at rally lalo’t makakasabay pa ito sa huling araw ng kilos protesta sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON).
Nilinaw ni Nartatez na kahit walang permit ay hahayaan ang pagsasagawa ng kilos-protesta kung sa mga lugar na pinahihintulutan o freedom parks ito gaganapin tulad ng Liwasang Bonifacio sa Maynila at Freedom Park sa Quezon City Memorial Circle.
Idinagdag pa ni Nartatez na sakaling magsagawa ng kilos-protesta ang mga raliyista sa mga lugar na nangangailangan ng permit at wala silang kinuha mula sa local government units (LGUs), mapipilitan ang mga pulis na sila ay buwagin.
- Latest