MANILA, Philippines — Binalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga grupong magtatangkang guluhin ang nakatakdang unang eleksiyon sa Bangsamaro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa May 2025.
Ang babala ay ginawa ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa ika-10 taong anibersaryo ng pagkalagda ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro sa Barira, Maguindanao del Norte nitong Lunes ng umaga.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na kapag may nagtangkang manggulo o manabotahe sa nakatakdang eleksiyon ay ang gobyerno ang makakalaban ng mga ito.
Gamitin na lamang aniya ang kanilang lakas para tumulong at bumuo ng mga produktibong komunidad para sa mga oportunidad at pag-angat ng buhay ng mga mamamayan ng Mindanao.
Hinimok ng Presidente ang mga taga-BARMM na gamitin ang kanilang karapatang bumoto para sa kanilang magandang kinabukasan.
Matatandaang nakatakda sana noong Mayo 2022 ang unang eleksyon sa BARMM. subalit ipinagpaliban ito dahil sa pandemya sa COVID-19.