MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang hinihinalang gunman sa pagpatay sa broadcaster na si Juan “DJ Johnny Walker” Jumalon, 57 sa Dipolog City, Zamboanga del Norte, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Philippine National Police-Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, ang suspek ay nakilalang si Julito Mangumpit alyas Ricky.
Sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder, binitbit si Mangumpit sa Dipolog City kahapon ng alas-3:10 ng madaling araw ng pinagsanib na pwersa ng Misamis Occidental at Zamboanga Del Norte PNP.
Bukod sa pagpatay kay Jumalon, mayroon pang walong outstanding warrant of arrest ang suspek sa mga kasong murder, frustrated murder, direct assault at paglabag sa RA 9165.
Maaalalang noong Marso ay naaresto na rin ang dalawang kasamahan ni Mangumpit, ang magpinsan na sina Boboy Sagaray Bongcawel aka, ‘Boboy’ at Renante Saja Bongcawel, aka, ‘Inteng’ na pawang kasapi ng gun for hire group.
Si Jumalon ay binaril at pinatay noong November 5, 2023 habang nagpo-programa sa radyo at naka-livestream sa kanyang bahay sa bayan ng Calamba sa Misamis Occidental.