MANILA, Philippines — Handang-handa nang sumabak sa Balikatan Exercises ang nasa mahigit 150 SAF troopers sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at US military.
Ito ang tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF) Director Police Major General Bernard Banac sa isinagawang flag raising at send off ceremony sa SAF Headquarters sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City, Laguna kahapon.
Isasagawa ang 39th balikatan o bilateral training exercises sa pagitan ng Pilipinas at Amerika mula Abril 22 – Mayo 10.
Una nang nagpakita ng galing ang SAF troopers ng bansa sa ginawa nitong Basic Airborne Course Class 57-2024 sa Fort Sto. Domingo, Sta Rosa City, Laguna noong Abril 11, ilang araw bago ang pormal na pagsisimula ng Balikatan 2024.
Sinabi ni Banac na bilang rapid-deployment Force ng PNP, mahalaga ang partisipasyon ng SAF sa mga pagsasanay katulad ng Balikatan para mapahusay ang kanilang kahandaan sa internal security operations, counter terrorism, at humanitarian activities.