MANILA, Philippines — Aabot sa P21 milyon halaga ng sigarilyong mula sa Indonesia ang nasamsam, ng pulisya sa isang anti-smuggling operation sa Glan, Sarangani nitong Sabado, March 30, 2024.
Kinumpirma ni Region 12 police director Brig. Gen. Percival Augustus Placer nitong Lunes ang pagkakasabat ng naturang kontrabando sa Tampat Point sa Batulaki sa bayan ng Glan, lulan ng isang sasakyang pandagat mula sa Tongkil Island sa probinsya ng Sulu sa Bangsamoro region.
Kinumpiska rin ng mga operatiba ng iba’t ibang unit ng PRO-12 na nagsagawa ng naturang anti-smuggling operation ang lantsang pinagkargahan ng 1,075 na mga kahon ng sigarilyong gawa sa Indonesia.
Ayon kay Placer, maagap na nasabat ang naturang mga imported na sigarilyo, ihahatid sana sa mga buyers sa iba’t-ibang bayan sa Sarangani, dahil sa mga ulat ng local executives sa probinsya.