MANILA, Philippines — Binaril kahapon ng umaga ang likurang bahagi ng sasakyan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na ipinagagamit sa kaniyang deputy director, habang binabaybay sa Skyway sa bahagi ng Quezon City.
Sa inilabas na pahayag ng BuCor Public Information Office, ang pick-up na Toyota Hilux na may plate number WDQ-811 na pag-aari ni Catapang ay may tama ng bala sa likod na rear windshield, na ikinabasag ng salamin nito.
Sa ulat, alas-6:30 ng umaga ay susunduin pa lamang ng nasabing sasakyan si Deputy Director General for Administration na si Atty. Al Perreras.
Sakay ng Hilux ang security escort na si Correction Officer 1 Cornelio Colalong habang sa likod naman ng driver seat nakasakay ang kapwa security escort na si CO1 Leonardo Cabaniero.
Nabatid na biglang nag-overtake ang kulay gray na Toyota Vios sa Toyota Innova na back-up car na minamaneho ni CSO2 Edwin Berroya at kapwa security escort na si CO2 Michael Magsanoc, nang biglang pinaputukan ang Hilux.
Lumalabas na puntirya ang passenger front side kung saan karaniwang nakaupo si Perreras, batay sa direksyon ng bala na hindi naman tuluyang nakapasok ang tingga dahil sa ito ay bullet proof. Mabilis umanong tumakas sa direksyon ng Nagtahan exit ng Skyway.
Nakikipag-ugnayan na ang BuCor sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa insidente lalo’t posibleng planado ang tangkang pananambang dahil kapwa nakatanggap ng death threat sina Catapang at Perreras.