MANILA, Philippines — Isang panukalang batas sa Senado ang isinusulong na naglalayong ipagbawal ang mga online content na nagsusulong ng sugal.
Sa Senate Bill 2602 na inihain ni Sen. Robin Padilla, sinabi nito na dapat pigilan ang paglaganap ng pagsusugal sa internet at social media upang maprotektahan ang mga kabataan.
Ipinunto ni Padilla na naiugnay ang pagsusugal sa maraming problema katulad ng adiksyon, krimen, at “social issues” na maaaring sumira sa “moral fiber” ng bayan.
Ani Padilla, chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, layunin ng panukala niya ang bawasan ang pagkakalantad ng pagsusugal lalo sa kabataan.
Kapag naging batas, maglalabas ang Department of Justice ng “disabling order” para harangan ang online content na nagsusulong sa pagsusugal. Aatasan din ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) na mag-monitor ang pagsunod sa utos ng DOJ.
Kailangang sumunod sa utos ang service providers sa loob ng 48 oras ng pag-isyu ng utos.
Ang mga naglathala o nagsulong ng gambling materials online ay makukulong ng hanggang isang taon; o pagmumultahin ng hanggang P500,000.
Kung ang materyales ay naidugtong sa online gambling site, o kung ang gumawa nito ay nakatanggap ng komisyon para ilathala ang materyales, maaari siyang makulong ng hanggang tatlong taon o patawan ng multa ng hanggang P500,000.