22 PDLs binigyan ng executive clemency ni PBBM – BuCor

MANILA, Philippines —  Nasa 22 persons deprived of liberty (PDLs) ang nakatakdang lumaya matapos pagkalooban ng executive clemency ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ayon sa Bureau of Corrections (BuCor) nitong Sabado.

Sa 22 PDLs, dalawa ang nabigyan ng conditional pardon habang ang 20 naman ang napagkalooban ng commutation of service o pinaikling sentensya.

Ang executive clemen­cy ay tumutukoy sa pagpapaliit ng sentensya, conditional pardon at absolute pardon batay sa rekomendasyon ng Board of Pardons and Paroles.

Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio  Catapang Jr. na pinoproseso na nila ang pagpapalaya sa mga inmates na nabigyan ng conditional pardon, na nangangahulugang hindi na sila muling lalabag sa anumang penal laws.

Samantala, ang iba pang nakapagsilbi na ng kanilang minimum sentence ay isasailalim sa review at pagkumpleto sa  documentary requirements bago pa ang aplikasyon sa parole.

Inaprubahan naman ni Justice Secretary Crispin Remulla, sa rekomendasyon ng BuCor, ang pagpapalabas ng walong PDLs na ang oras ng pagsilbi na may time allowance ay umabot na sa hindi bababa sa 40 taon.

Show comments