MANILA, Philippines — Idineklara ng Korte Suprema na walang bisa ang traffic ordinances ng 15 LGU sa Metro Manila hinggil sa pagpapalabas ng traffic violation receipts o Ordinance Violation Receipts (OVRs) sa mga nagkakamaling drivers at pagkumpiska na rin sa kanilang mga lisensiya.
Sa 41-pahinang desisyon ng SC en banc na sinulat ni Associate Justice Benjamin Caguiao, kinatigan ang petisyon ng iba’t ibang transport group na humihiling na baligtarin ng SC ang desisyon ng Court of Appeals’ (CA) noong December 7, 2012 at resolution noong October 3, 2013 na nagdedeklarang legal at naaayon sa batas ang kinukuwestiyong ordinansa.
Ayon sa SC, invalid ang mga nasabing ordinansa dahil sa labag ito sa Republic Act No. 7924 o ang Metro Manila Development Authority (MMDA) Law na nagbibigay kapangyarihan sa MMDA na tanging ahensiya na may eksklusibong kapangyarihan na bumalangkas ng mga polisiya tungkol sa trapiko at makipag-ugnayan para sa implementasyon ng lahat ng programa at proyekto.
Tinukoy ng SC ang Section 5 ng MMDA law na maglagay ng single ticketing system, mangumpiska at magsuspinde ng mga lisensiya ng driver sa pagpapatupad ng traffic laws and regulations.
Ang iba namang probisyon ay dineklara ng SC na balido at hindi apektado ng desisyon.
Kaugnay níto, nagpalabas ng permanent injunction ang Korte Suprema na nagbabawal sa mga lungsod ng Makati, Taguig, Parañaque, Pasay, Quezon City, San Juan, Navotas, Las Piñas, Pasig, Muntinlupa, Valenzuela, Caloocan, Manila at bayan ng Pateros na mag-isyu ng OVRs at mangumpiska ng lisensiya ng mga driver maliban kung sila ay deputized ng MMDA.
Inatasan din ng korte ang mga naturang LGUs na tumalima sa Joint Metro Traffic Circular No. 12-01 na pinalabas ng MMDA noong 2012 na nagtatakda ng guidelines sa implementasyon ng Uniform Ticketing System sa 16 na lungsod at isang bayan sa Metro Manila.