Kemikal tumagas sa nasiraang tanker
MANILA, Philippines — Isang chemical tanker ang nasira ang chassis na naging dahilan ng pagtagas ng gas at nagbuga ng usok, naganap kahapon ng madaling araw sa Pedro Gil. St., kanto ng Quirino Avenue.
Batay sa ulat ng Manila Special Rescue Force, bago naganap ang insidente, alas-4:00 ng madaling araw sa nasabing lugar ay kasalukuyang minamaneho ni Dominador Evangelista, 36, at residente ng Balagtas, Bulacan ang isang Isuzu chemical tanker, na may plate number na CAY 1606, at naglalaman ng may 3,000 litro ng hydrochloric acid o muriatic acid, nang masiraan ito.
Sinasabing napinsala ang chassis ng chemical tanker na nagresulta sa pagtagas ng lulan nitong concentrated form ng hydrochloric acid.
Nabatid na dahil ang lugar na pinangyarihan ng aksidente ay malapit sa drainage, nagpasya ang mga otoridad na lusawin na lamang ang kemikal upang hindi na ito maging concentrated at hindi masyadong mapanganib.
Ayon sa mga otoridad, ligtas ang hydrochloric acid kung hindi ito concentrated ngunit kung concentrated ito at nainitan, ay mag-e-evaporate ito at maaaring magresulta sa pananakit ng mata, ilong at pangangati ng balat.
- Latest