MANILA, Philippines — Pinangunahan kahapon ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pormal na paglunsad ng Kamara de Representantes ng CongressTV, na isang pioneering initiative at patunay sa pagnanais ng mga mambabatas na magkaroon ng transparency at makapagsilbi ng mahusay sa mga mamamayan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Romualdez na makasaysayan ang naturang launching ng CongressTV para sa demokrasya at governance ng bansa.
“In an age where information is both a tool and a weapon, the onus is on us, the elected representatives of the people, to ensure that the power of information is harnessed to empower, educate, and engage. It is with immense pride and a profound sense of duty that we, in collaboration with PTV-4, unveil CongressTV,” wika ni Romualdez.
Sinabi ng lider ng Kongreso na ang inisyatiba ay hindi lamang isang channel kundi isang tulay na magkokonekta sa Kamara sa bawat tahanan, paaralan at bawat Pinoy na tiyaking walang maiiwan sa dilim at bawat mamamayan ay mapagkakalooban ng front-row seat sa legislative process.
Sa pamamagitan din aniya ng platform na ito, binubuwag na nila ang mga pader na matagal nang naglalayo sa mga inner workings ng lehislatura mula sa public scrutiny.
Ipinaliwanag naman ni ACT-CIS party list Representative at House Deputy Majority Floor Leader Erwin Tulfo na sa tulong ng CongressTV ay hindi lamang Facebook at iba pang social media sites ang mga congressional hearings at mga sesyon kundi maging sa free TV.
Nangangahulugan aniya ito na maaari nang manood at manatiling informed ang mga mamamayan nang hindi na maghahanap ng libreng wifi o internet connection, at hindi na mag-aalala na mauubos ang kanilang data.