MANILA, Philippines — Patay na nang matagpuan ang 33-anyos na nalunod sa ilog Pasig matapos itong tumalon para maligo habang lasing, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Jonathan Pava, binata, construction worker ng Sitio Labahan Looban, Brgy. San Isidro, Angono, Rizal.
Sa ulat ng Manila Police District-Ermita Police Station 5, alas-9:45 ng gabi nang marekober ang labi ni Pava sa ilog Pasig malapit sa sea wall ng Binondo-Intramuros Bridge.
Lumalabas sa imbestigasyon na lasing ang biktima matapos silang mag-inuman ng katrabaho sa gilid ng ilog nang magpasya itong tumalon para maligo, alas-7:30 ng gabi.
Sa kabila na ito ay inaawat dahil sa kalasingan ay hindi ito napigilang tumalon sa ilog at hindi na lumutang.
Hinanap ang biktima ng mga rumespondeng pulis at nakita ang nakalutang nitong bangkay.