116 katao nasugatan sa paputok sa pagsalubong sa 2024
MANILA, Philippines — Nasa 116 na ang mga bagong biktima ng paputok mula umaga ng Disyembre 31 kaugnay ng selebrasyon sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa ulat ng Department of Health (DOH), ang 116 bagong biktima ng paputok ay naitala mula alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 31 hanggang alas-5:59 ng umaga nitong Enero 1, 2024.
Sinabi ni DOH Secretary Ted Herbosa na posibleng tumaas pa ang naturang bilang kapag nagpasukan na ang mga report mula sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa pagpasok ng bagong datos, nasa 231 na ang fireworks-related injuries na naiulat mula nang umpisahan ng DOH ang pagmomonitor noon pang December 21.
Karamihan sa mga kaso o halos lima sa bawat sampung kaso ay nagmula sa National Capital Region sa 113.
Kasama sa bagong batch ng mga kaso ang pinakabatang biktima sa ngayon—isang 11-buwang gulang na sanggol mula sa NCR na ang mukha at kanang mata ay nasunog ng iligal na paputok na tinatawag na “piccolo,” na sinindihan ng ibang tao sa kalye.
Naitala rin ng DOH ang pinakamatandang biktima—-isang 76-anyos na lalaki mula sa Ilocos Region na nagtamo ng mga sugat sa kanang mata dahil sa kwitis na siya mismo ang nagsindi sa bahay.
Tatlong bagong kaso ng amputation o pagkaputol ng daliri ang naitala rin, kaya umabot na sa 11 ang kabuuang kaso nito.
Walang karagdagang mga ulat ng ingestion o pagkalunok ng paputok sa ngayon.
- Latest