Mga sekyu ipinagbawal magsuot ng Santa Claus costume
MANILA, Philippines — Ipinagbabawal sa mga security guard ang pagsusuot ng Christmas costume at gumawa ng ibang trabaho maliban sa kanilang pangunahing tungkulin.
Ito ang naging kautusan ni Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) Director Police Brig. General Gregory Bogñalbal na bawal sa mga guwardia ang pagsusuot ng Christmas costume tulad ng Santa Claus dahil maaaring din mag-costume ang mga kriminal at malusutan sa mga nagbabantay sa mga mall at terminal.
Mas makabubuting maging alerto ang mga security guards lalo’t dagsa ang mga tao ngayong Kapaskuhan sa mga mall at terminal.
Bawal din ang paggawa ng ibang trabaho ng mga security guard na labas sa kanilang tungkulin kasama na ang pagiging utility, parking attendant, service crew at janitor.
Giit ni Bogñalbal, bilang force multiplier ng mga PNP, dapat ay nakatutok ang mga security guard sa pagbabantay.
Sakali umanong lumabag ang mga security guard ay pagmumultahin sila ng P500 hanggang P1,000 para sa unang paglabag at pwede pang tumaas depende sa daming beses ng paglabag.
Mapapatawan ng parusa ang kanilang security agency at pwedeng mabawian ng lisensya.
- Latest