Mga namatay sa road accident, tumaas ng 39%
MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Health (DOH) sa paglulunsad ng Global Status Report on Road Safety 2023 na tumaas ng 39% mula 2011 hanggang 2021 ang bilang ng mga nasasawi sa aksidente sa mga lansangan.
Sa naturang ulat mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), mula 7,398 na namatay noong 2011, umakyat ang bilang ng mga nasawi sa aksidente sa kalsada sa 11, 096.
Ayon pa sa ulat, 84% ng mga namatay ay mga lalaki, habang ang aksidente sa kalsada rin ang isa sa pangunahing dahilan ng pagkasawi ng mga batang Pilipino.
Dito inilunsad ang WHO Global Status Report on Road Safety 2023 ng DOH, Department of Transportation (DOTr), at ng World Health Organization (WHO) na magsisilbing gabay sa pagbalangkas ng mga polisiya para mapababa ang mga aksidenteng nangyayari sa mga kalsada.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na bahagi ang “road safety” sa Action Agenda ng kagawaran sa pag-iwas sa aksidente.
Ayon naman kay DOTr Secretary Jaime Bautista, binuo nila ang Philippine Road Safety Action Plan 2023-2028 para maisulong ang “road safety” at magiging mabisang gabay umano nila ang WHO global plan on road safety para sa pagpapatupad nito upang maiwasan ang pagkamatay at pagkapinsala ng mga tao sa mga aksidente.
Sa datos ng WHO, nasa 1.19 milyon ang namamatay kada taon sa buong mundo, o katumbas ng dalawang nasasawi kada isang minuto dahil sa aksidente sa lansangan.
- Latest