MANILA, Philippines — Isang re-elected barangay chairwoman ang patay matapos tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang lulan ng semi-truck kasama ang mga health workers nitong Biyernes ng gabi sa bayan ng Marcos, lalawigan ng Ilocos Norte.
Kinilala ng pulisya ang pinaslang na si Chairwoman Helen Abrigado ng Brgy. Ferdinand Marcos, sa bayan ng Marcos.
Nag-alok na si Marcos, Ilocos Norte Mayor Antonio Mariano ng halagang P300,000 para sa makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa mga pumatay kay Abrigado.
Habang pauwi na at sakay ng barangay-owned semi-truck si Abrigado kasama ang kanyang driver at mga barangay health workers (BHW) nang biglang lumutang ang dalawang armadong lalaki at siya ay pinagbabaril sa may Padsan River banks sa Brgy. Tabuctuc dakong alas-9:50 ng gabi ng Biyernes.
Dalawang hindi kilalang lalaki na magkaangkas umano sa motorsiklo ang nagpaputok ng apat na beses sa passenger side ng nasabing sasakyan kung saan nakaupo ang tserman kaya napuruhan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac City.
Bumuo na si Ilocos Norte police director Col. Julius Suriben ng Special Investigating Task Group (SITG) para tumutok sa imbestigasyon sa pagpatay sa chairwoman.