MANILA, Philippines — Isang consumer group mula sa Davao Region ang nagpahayag ng pangamba sa hiling ng Northern Davao Electric Cooperative, Inc.’s (NORDECO) na itaas ang credit line nito sa Development Bank of the Philippines.
Sa QC forum, sinabi ng Davao Consumer Movement (DCM) na posibleng ipasa sa mga consumer ng kuryente ang anumang halagang uutangin ng NORDEDO sa bangko.
Kaya nanawagan ang DCM sa ilang ahensiya ng pamahalaan gaya ng National Electrification Administration (NEA) at ng Energy Regulatory Commission (ERC), gayundin sa House committee on legislative franchises na tignan muna ang financial status ng NORDECO bago payagan ang aplikasyon nito na mangutang sa bangko.
Samantala, nakabinbin pa din ang House Bill No. 6740 na panukala ni PBA party-list Rep. Margarita Nograles na kung saan iminumungkahi nitong palawigin ang nasasakupan ng Davao Light and Power Company (DLPC).
Kung papasa ang nasabing panukala, madaragdagan ang serbisyo ng DLPC ng walong lugar sa Davao del Norte at Davao de Oro ang mga lugar na nakukulangan sa serbisyo ng NORDECO.
Base sa datos, ang residential rate ng NORDECO ay P12.94 per kilowatt hour (kwh), samantala si DLPC ay P9.21/kwh lamang. Ang Davao Oriental Electric Cooperative (DORECO) ay sumisingil ng P12/kwh; Davao del Sur Electric Cooperative ay nasa P8/kwh naman.