Simula sa Lunes
MANILA, Philippines — Simula bukas, Nobyembre 20, tuloy na ang pagsasagawa ng tatlong araw na nationwide transport strike o tigil-pasada ng mga operator at driver na kasapi ng militant transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) simula sa Lunes, Nobyembre 20.
Ayon kay Steve Ranjo, secretary general ng PISTON, may 20 protest areas sila sa Metro Manila sa gagawing tigil-pasada partikular sa Quezon City sa Novaliches, Philcoa, Litex gayundin sa Alabang at sa mga probinsiya ng Southern Tagalog, Bicol at Cebu.
“Nagsama-sama ang iba’t ibang asosasyon ng masang tsuper at operator upang kondenahin ang napipinto at tuluy-tuloy na phaseout sa mga traditional PUJs sa pamamagitan ng sapilitang konsolidasyon. Masaker ito sa aming kabuhayan sa pamamagitan ng pang-aagaw sa aming prangkisa, upang magbigay-daan sa monopolyo kontrol ng malalaking korporasyon sa transportasyon.”pahayag ni Ranjo.
Binigyang diin ng PISTON na palpak, pahirap, at ‘di makatao ang PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Nagpahayag din ng pagsuporta sa transport holiday ng PISTON ang UP Transport Group (UPTG) na makikiisa sa tatlong araw na tigil-pasada.
Kasama rin sa pagkilos ng PISTON ang UP Diliman student councils, League of Filipino Students UPD at iba pang progressive organizations upang magpakita ng suporta sa magtitigil pasadang jeepney drivers ng UP-SM North, UP-Philcoa, UP-Pantranco, UP-Katipunan, at UP Ikot routes.
Ipinababasura ng PISTON at UPTG sa LTFRB ang pagpapatupad ng PUV Modernization Program at deadline para sa franchise consolidation. Anila, dapat ibalik ang kanilang limang taong prangkisa na matagal na nilang gamit sa pamamasada ng jeep.
Sa ilalim ng PUV franchise consolidation, magsasama-sama sa isang kooperatiba ang iba’t ibang PUJ franchise holder para payagan na makapasada pero kailangang i-modernize ang kanilang sasakyan o palitan ang mga traditional jeepney unit ng mga airconditioned jeepneys.