MANILA, Philippines — Maaari nang makaalis sa Gaza ang mga Pinoy nang tiyakin ng gobyerno ng Israel sa Pilipinas na papayagan nito ang mga Pilipino na dumaan sa Rafah Crossing patungo sa Egypt.
Ito ang sinabi kahapon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang makipag-ugnayan si Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss sa Foreign Minister ng Israel at Philippine Ambassador Junie Laylo.
Si Laylo naman ay nakipagpulong din sa Israeli Foreign Minister nitong Huwebes na nangakong payagan ang mga Pilipino na makadaan sa “crossing.”
“So, may pangako sila sa atin na maipapalabas na ang mga Pinoy, ang mga Pilipino, maipapalabas na by today or tomorrow. That is what they promised us. Saturday daw at the latest,” ani Marcos.
“Nakahanda naman lahat ng ating mga bus. Nakahanda na ‘yung mga embassy natin sa Cairo na napunta... Nandoon lang sila. Matagal na silang nag-aantay doon sa tawiran, ‘yung Rafah crossing. And they are ready for when the time comes na tumawid na ang mga Pinoy dadalhin at pauuwiin,” dagdag ng Pangulo.
Ang Rafah Crossing Point ay ang tanging tawiran sa pagitan ng Egypt at Gaza Strip, na matatagpuan sa hangganan ng Gaza-Egypt. Kinilala ito ng 1979 Egypt–Israel peace treaty.
Nag-alok din ang gobyerno ng Pilipinas ng tulong sa mga Thai, Vietnamese at iba pang mga mamamayan mula sa Southeast Asian na bansa na na-stranded sa tawiran at gustong makalabas ng Gaza.
Napansin ng Pangulo na naging kumplikado ang sitwasyon dahil ang mga Palestinian na asawa ng ilan sa mga Pilipino ay hindi pinayagang umalis sa Gaza.
Marami sa mga Pilipino ang hindi makapagpasiya kung iiwan ang kanilang mga asawa at mga anak sa Gaza, na nasa ilalim ng matinding pambobomba at pag-atake ng mga pwersang Israeli.