Tone-toneladang basura, nahakot sa 2 sementeryo sa Maynila

Despite of rain families visit their love ones on All Saints' Day at Manila North Cementery on November 1, 2023
Philstar.com/Irish Lising

MANILA, Philippines — Tone-toneladang basura ang nakolekta ng Manila City Government mula sa Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC) matapos ang paggunita nitong Undas.

Sa datos na inilabas ng tagapagsalita ng Manila City gov’t na si Atty. Princess Abante, nabatid na mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 1 pa lamang, nasa kabuuang 86 truckloads o 229 metriko tonelada ng basura ang nakolekta sa naturang mga sementeryo.

Sa naturang bilang, 50 truckloads o 134 metriko tonelada ang mula sa MNC habang 36 truckloads o 95 metriko tonelada naman mula sa MSC.

Nitong Nobyembre 1 lamang, 12 truckloads o 38 metriko tonelada ng basura na nakuha mula sa MNC habang walong truckloads o 18 metriko tonelada ng basura naman ang nakuha mula sa MSC.

Mas marami aniya ang naturang mga basura kumpara sa kabuuang 62 truckloads o 148 metriko tonelada ng basura na nakolekta sa naturang mga sementeryo noong Undas 2022.

Inaasahan naman ng lokal na pamahalaan na madaragdagan pa ang naturang dami ng mga basura dahil marami pa ring tao ang nagtungo sa mga sementeryo sa lungsod nitong All Souls’ Day, Nobyembre 2.

Show comments