MANILA, Philippines — Namatay ang isang barangay kagawad nang pagbabarilin sa loob ng polling precinct ng isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) na napatay din ng mga pulis at sundalo sa loob ng eskwelahan kung saan isinasagawa ang eleksyon, kamakalawa ng hapon sa Barangay Luksumbang, Lamitan City, Basilan.
Kinilala ang nasawi dahil sa tama ng bala na si Antataha Nadjuwal, kagawad ng Barangay Luksumbang, nang pagbabarilin ng CAFGU member na si Euiliano Custodio Enrique.
Nabaril din at nasugatan ni Enrique ang barangay chairman ng Luksumbang na si Jemson Cervantes na agad namang isinugod sa pagamutan ng mga pulis at sundalong nagbabantay ng mga polling precincts kung saan naganap ang insidente.
Tinangkang pasukuin ng mga pulis at sundalo si Enrique ngunit nagtangka itong manlaban kaya’t siya ay pinaputukan na naging sanhi sa kanyang agarang kamatayan.
Ayon sa kanyang mga kamag-anak, matagal na nilang napansin na may kakaibang pag-uugali si Enrique at bugnutin tuwing puyat sa pag-duty ng gabi sa mga CAFGU detachments sa Lamitan City.