MANILA, Philippines — Pinaikli ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang probisyon para sa pagpapatupad ng fuel subsidy.
Ayon kay Energy Sec. Raphael Lotilla na ipinatawag ni Marcos Jr. sa Malacañang ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno kung saan pinag-usapan ang mga hakbang na gagawin ng pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa press briefing matapos ang sectoral meeting, sinabi ni Lotilla na mula sa kasalukuyang tatlong buwan bago magbigay ng fuel subsidy, gagawin na lamang itong isang buwan.
Ipinaliwang ni Lotilla na kapag umabot ang presyo ng langis sa world market sa U$80 dollars per barrel, hindi na maghihintay pa ng 3 buwan para desisyunan ang pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong sektor partikular sa transportasyon.
Pero nilinaw ng kalihim na hindi ito nangangahulugan na buwan-buwang may fuel subsidy sa tuwing aabot sa U$80 per barrel ang langis.
Magugunita na noong Setyembre, inaprubahan ng DBM ang pagpapalabas ng P3 bilyong halaga ng pondo para ipatupad ang Fuel Subsidy Program para sa mga trabahador na apektado ng pagtaas ng gasolina.