MANILA, Philippines — Patuloy umano ang ginagawang pangha-harass at pambu-bully ng China nang muling banggain ng Chinese vessels ang dalawang barko ng Pilipinas kahapon ng umaga.
Sa report ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), alas-6:04 ng umaga kahapon nang banggain ng vessel ng China Coast Guard na CCGV 5203 ang resupply boat na Unaiza Mayo 2 Ayungin Shoal.
Nagsasagawa ng rotation and resupply mission ang naturang barko ng AFP sa BRP Sierra Madre.
Ayon sa NTF-WPS, ang pagharang ay nangyari 13.5 nautical miles silangan hilagang-silangan na kung saan naroroon ang BRP Sierra Madre.
Sa kabila nito, tagumpay pa rin ang resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Nanindigan naman ang CCG na ‘legal’ ang kanilang pagharang sa mga barko ng Pilipinas na umano’y iligal na nagdadala ng “illegal construction materials” sa BRP Sierra Madre.
Kasunod nito, sinalpok din ng Chinese Maritime Militia vessel na CMMV 00003 ang MRRV 4409 ng Philippine Coast Guard.
Giit ng task force, ang pagbangga sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas ay patunay sa pagbalewala ng China sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS) at ang 2016 Arbitral Award.