Para sa BSKE ng PDLs
MANILA, Philippines — Bilang paghahanda sa nalalapit na pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataang Election (BSKE) sa bansa sa Oktubre 30, sinimulan nang ayusin ng Quezon City Jail ang kanilang mga pasilidad upang maglagay ng “special polling precincts” para makaboto ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa lungsod.
Ayon kay City Jail Warden Supt. Michelle Bonto, may inisyal nang pulong na ginawa ang pamunuan ng QC Jail at Commission on Elections (Comelec) para paghandaan ang pagboto ng mga PDLs na registered voters.
Napagkasunduan sa pulong ang paglalagay ng special polling precincts sa loob ng QC Jail-Male Dormitory para hindi na kailangang lumabas ang mga preso at pumunta sa ibang mga polling precincts para lang makaboto.
Sinabi ni Bonto na inaalam na ng kanilang tanggapan ang bilang ng mga PDLs na registered voters na maaaring makaboto sa BSKE.
Una rito, nagkaroon ng Tripartite Memorandum Agreement ang Comelec, Public Attorneys Office at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para makaboto ang mga PDLs.
Sa record ng BJMP, mahigit 63,000 PDLs ang registered voters sa buong bansa.
Ang pagboto ng mga PDLs ay alinsunod sa kautusan ng Korte Suprema at pagsusulong sa karapatan ng mga PDLs na makaboto sa halalan sa bansa.