Palawan Rep. Edward Hagedorn, pumanaw na
MANILA, Philippines — Pumanaw na kahapon si Palawan 3rd District Representative Edward Hagedorn sa edad na 76.
Batay ito sa anunsyo sa kaniyang social media page at kumpirmasyon ng kaniyang opisina.
Wala namang detalyeng ibinigay sa kung ano ang ikinasawi ng kongresista.
Wala rin detalye pang ibinigay ang pamilya tungkol sa burol at internment ng Palawan representative.
Nagpaabot ang Kamara ng pakikiramay sa naulilang pamilya ni Edward Hagedorn.
Sa pahayag ni House Speaker Martin Romualdez, sinabi nito na para sa mga kasamahang mambabatas sa Kamara, hindi lang basta katrabaho si Hagedorn bagkus ay isa na ring kapamilya.
Hinikayat din ng lider ng Kamara na alalahanin at ipagbunyi ang mga legasiyang iniwan ng kongresista na magsisilbing insiprasyon sa marami.
Tinukoy nito ang pagiging kampeon ni Hagedorn para sa usapin ng kalikasan, turismo, agrikultura at kapayapaan.
Para sa House Speaker, isang karangalan at pribilehiyo na makatrabaho si Hagedorn.
Hinimok naman ni Romualdez ang lahat na ipagdasal ang naiwang pamilya ni Hagedorn.
- Latest