MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng isang mambabatas na hindi lamang ang pinakamahihirap ang dapat mabenepisyuhan ng Pantawid Pasada Program ng pamahalaan, kundi maging ang middle class na apektado rin ng pagsirit ng presyo ng langis.
“Ang nakikita ko lang defect sa Pantawid Pasada ay hindi natin natutulungan ‘yung middle class natin. Marami sa middle class bumibili nang sasakyan dahil alam naman natin ‘yung public transportation natin ay masikip at hindi ganun ka-episyente,” ani Sen. Sherwin Gatchalian.
Puna pa ng Senador na kahit mataas ang presyo ng petrolyo ay marami sa mga mayayaman ay hindi naman nagpalit ng habit sa pagbabawas ng biyahe.
Kaya sa halip na fuel excise tax suspension, hinikayat nito ang gobyerno na magbigay ng tulong sa mga vulnerable sectors sa pamamagitan ng Pantawid Pasada program.
Ayon sa Philippine Institute for Development Studies ang kahulugan ng gobyerno sa middle class ay ang mga mayroong income sa pagitan ng dalawa hanggang 12 beses na poverty line o tinatayang P24,000 at P145,000 family income.
Iginiit ni Gatchalian na dapat pa rin ang masusing pag-aaral para sa panukalang pagsuspinde ng fuel excise taxes dahil maaaring maubos ang kita ng gobyerno.