Rubber boat ng China nasiraan sa Ayungin Shoal
Tulong ng Philippine Navy tinanggihan
MANILA, Philippines — Matapos na magkaaberya ang rubber boat ng China sa gitna ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea, nagmatigas pa sa pagtanggi ang mga Chinese crew sa alok na tulong ng Philippine Navy.
Ayon kay Col. Medel Aguilar, spokesman ng AFP, sa halip na matuwa ay sinisi pa ng mga Chinese ang Philippine Coast Guard (PCG) bunga ng insidente.
Nabatid na habang hinahabol ng mga Chinese rubber boat ang Philippine Coast Guard (PCG) vessels na nagsasagawa ng resupply mission na pilit nilang hinaharang ay sumabit ang isa sa Chinese Rigid Hull inflatable boats sa fishing line sa lugar.
“Troops offered assistance to help China, but China refused,” ani Aguilar kung saan isa pang bangka ang dumating na siyang tumulong sa mga bangka ng mga Chinese.
Ang insidente ay nangyari umano nitong Setyembre 7 habang nasa resupply mission ang PCG vessels para sa tropa ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Ayon pa kay Aguilar, nag-radio message pa umano ang Chinese Coast Guard na sinisisi ang tropa ng PCG na kaya nagkaproblema ang kanilang bangka ay dahil sa pagmamaniobra sa bahagi ng shoal.
Sa kabila nito, naging matagumpay ang resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakahimpil sa Ayungin Shoal sa kabila ng pagtatangka ng China na harangin ito.
Sa report ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), nakumpleto na ng AFP Western Command sa tulong ng PCG ang resupply mission sa Ayungin Shoal sa loob ng dalawang linggo simula noong Agosto 22. Ito na ang ikatlong trip ng PCG simula noong Agosto 5 nang bombahin ng Chinese Coast Guard ng water cannons ang kanilang mga bangka sa WPS.
- Latest