Tandem na pumatay sa barangay chairman sa Batangas, arestado

MANILA, Philippines — Nasakote na ng pulisya ang dalawang suspek sa pagpatay kay Brgy. Captain Erasmo Divino Hernandez sa isinagawang follow-up operation ng Taal police.

Ayon kay P/Major Fernando O. Fernando, hepe ng Taal police, hindi pa nila mapangalanan ang mga suspek habang kumakalap pa sila ng sapat na ebidensya para ma­isangkot ang mga ito sa pagpatay sa kapitan.

Nauna nang naaresto ang dalawang suspek sa Brgy. Halang sa bayan ng Taal kahapon ilang oras matapos ang krimen dahil sa tulong ng CCTV.

Narekober din ng mga pulis ang ginamit na motorsiklo ng mga suspek matapos abandonahin ito sa nasabing barangay.

Matatandaang pinagbabaril si Hernandez ng Ba­rangay Poblacion Zone 10 habang nakatayo sa harap ng kanilang barangay hall, alas-7:20 ng umaga noong Martes.

Naisugod pa sa ospital si Hernandez, pero namatay din habang ginagamot.

Si Hernandez ay muling tatakbo sa kanyang po­sisyon sa darating na Barangay at SK elections.

Show comments