P10.70 bilyong pondo ng OP lusot na sa panel ng Kamara
MANILA, Philippines — Tinapos sa loob lamang ng 40 minuto ng House Committee on Appropriations nitong Martes ang deliberasyon sa P10.70 bilyong panukalang pondo ng Office of the President (OP) para sa taong 2024.
Ito’y bahagi ng tradisyon sa Kongreso na bigyan ng ‘parliamentary courtesy’ ang tanggapan ng pinakamataas na lider ng bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, kinatawan ni Executive Secretary Lucas Bersamin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kasalukuyang nasa Indonesia kaugnay ng ginaganap na 43rd ASEAN Summit doon.
Binigyang diin naman ni Appropriations Committee Chair Elizaldy Co, na hindi lang basta isang posisyon ang pagiging pangulo. Dahil nagsisilbi itong sentro ng pamamahala ng gobyerno. Kaya mahalaga ang pondo ng OP para magampanang mabuti ang mandato nito.
Iprinisinta naman ni Bersamin sa komite ang panukalang pondo ng executive branch para sa susunod na taon at kasunod nito ay agad namang nagmosyon si Abra Rep. Ching Bernos para tapusin na ang deliberasyon na sinegundahan naman ng mga mambabatas.
Pinagbigyan naman ng pagkakataon ang miyembro ng Makabayan bloc na ilatag ang kanilang manipestasyon.
- Latest